By Delia Cuaresma
Natigil saglit ang kulitan at tawanan sa “Wowowin” kamakailan ng lumabas rito ang tinaguriang JukeBox King of the ‘90s na si April Boy Regino.
Parang kailan lang nang nag-hari ito sa radio at telebisyon dahil sa sunud-sunod niyang mga hits katulad ng “Paano Ang Puso Ko,” “Umiiyak Ang Puso” at siyempre, ang “Di Ko Kayang Tanggapin.”
Lumuluha ang 49-year old na singer ng kapanayamin siya ng host ng show na si Willie Revillame.
Ayon sa kuwento ni April Boy, malaki ang utang na loob niya kay Willie dahil isa ito sa mga tumulong sa kanya noong walang-wala na siya.
Ani April Boy, “Napakabuting tao nito… Noong nabulag ako (isa) siya sa mga tumulong sa akin para magpagamot.
Nabulag po ako. Pinadalhan niya ako pera para pampaopera sa mata ko. Kaya malaki ang pasalamat ko sa kanya.”
Ang pagkabulag ni April Boy ay sanhi diumano ng sakit niyang diabetic retinopathy.
Una rito, nalampasan ni April Boy ang prostate cancer pero nagkaroon naman siya ng sakit sa puso.
Aniya minsan din niyang naisipan na tapusin ang kanyang buhay sa tindi ng depresyon na naramdaman dahil sa kanyang kalagayan, nguni’t natuto daw siya bumangon dahil sa mga katulad ni Willie.
“Lumakas ang loob kong bumangon dahil sa kanya. Sana’y marami pa siyang matulungang mga tao,” sey ni April Boy.
Hiling ni April Boy na muling makabalik sa showbiz.
Huli itong gumawa ng Christian album na pinamagatang “Jesus Tanging Hiling” sa GMA records.
We wish you good luck, April Boy.