By Delia Cuaresma
Naging emosyonal ang komedyanteng si Jobert Austria nang aminin niya na siya’y isang ampon.
Ibinahagi ni Jobert ang parteng ito ng kanyang buhay Lunes sa “Magandang Buhay.”
Ani Jobert, malaki na raw siya nang malaman niyang siya’y ampon at sumama raw ng todo ang loob niya dahil dito.
Sey ni Jobert, “Nagalit ako, nainis ako. Bakit ako ipinamigay?”
“Saka medyo nagtampo ako sa umampon sa akin (na) bakit ‘di nila agad sinabi? Kailangan malaman ko pa sa iba,” dagdag pa niya.
Nakaharap na raw niya ang tunay na ina at hindi daw naging maganda ang experience na ito.
Kuwento niya, “Isang beses pumunta ‘yon (ang totoo kong nanay) sa bahay namin. Sabi ng Mama ko (‘yung umampon sa akin) may bisita ka sa baba. Pagbaba ko, nakita ko siya (totoo kong ina) umiiyak. Sabi ko, ‘Sino ka?’ ‘Yan ang totoong nanay mo,’ sabi ng mama ko (umampon sa akin). ‘Hindi ko na po kailangan ng nanay ngayon matanda na ako, ngayon lang kayo dumating.’ Tapos iniwan ko siya umiiyak…”
“Siyempre noong itinakwil ko siya, nasaktan din siguro kaya ngayong artista na ako, hindi niya magawang lumapit sa akin. Kung nanonood siya ngayon, sorry,” ani Jobert.
“Hindi ko rin gustong mamatay na hindi kami nagkakausap ng kaunti. Pero hindi ko nga alam kung buhay pa siya. Pero wala na (ang galit).”