Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
May kasambahay po kami na dalawang taon na nagtratrabaho sa amin. Maayos naman ang trabaho at maayos din ang samahan namin. Last week, bigla na lang nagpaalam na uuwi sa probinsiya dahil namatay ang lola. Pinayagan ko naman. Nagtaka lang ako dahil bitbit lahat ang gamit umalis. Lalo akong nagtaka dahil kinausap ako ng asawa ko at naalala niya na nagpaalam din sa amin ng nakaraang taon na namatay din ang lola. Hindi ko tuloy alam kung babalik pa sa siya sa amin. Ano sa tingin mo?
Donna ng Parañaque
Hi Donna,
Malamang hindi na. Bitbit na ang lahat ng gamit eh. Kapag bakasyon lang yan, magtitira yan ng gamit. Yung namatayan ng lola na dalawang beses ginamit, pwede naman kasi dalawa naman ang lola at lolo natin. Sa susunod, para hindi kayo malito, itanong niyo kung saang side na lola. Isulat niyo din sa logbook ang mga namatay na kamag-anak ng kasambahay niyo. Para kapag nagpaalam dahil namatayan, double check niyo sa logbook kung nagamit na yung excuse na yun! Pero,
magsimula na kayong maghanap ng bagong kasambahay dahil hindi na siya babalik!
Hi Alex,
May kaibigan ako na ginagaya lahat ng porma at ginagawa ko. Nagpagupit ako skinhead, nagpagupit din siya. Pumorma ako ng ala-John Lloyd, pumorma rin siya na ala-John Lloyd! Nagbasketball ako, nagbasketball din siya! Nangolekta ako ng Air Jordan, nangolekta rin siya! Bumili ako ng Iphone X, bumili rin ng Iphone X! Nagpa-tattoo ako, nagpa-tattoo rin! Nang kinausap ko, nagalit pa dahil ang kapal daw ng mukha ko! Hindi niya raw ako ginagaya! Ano kaya ang gagawin para hindi na niya ako gayahin!
Marky ng Tondo
Hi Marky,
Gusto mong matigil na siya sa panggagaya? Tumalon ka sa tulay, tignan mo kung gagayahin ka pa!
Hi Alex,
Naniniwala po ba kayo na may Invisible Man?
Paul ng Laguna
Hi Paul,
Naniniwala ako! Kaya lang, patay na siya. Nasagasaan siya sa EDSA pero dahil invisible siya, walang nakapansin. Hanggang ngayon nasa EDSA pa rin yung bangkay niya. Ayaw mo maniwala? Diba minsan kapag dumadaan ka sa EDSA, magugulat ka kasi parang may nadaanan yung sasakyan mo na lubak pero hindi mo nakita? Si Invisible Man yun!
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007
-Alex Calleja