BY Alex Calleja
Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
Tuwing almusal po, oatmeal ang kinakain ko kasi healthy at maganda raw ito sa puso. Hindi rin daw ito nakakataba at dahil may fiber ito, maganda rin ito sa digestive system. Totoo po ba ito?
Elsa ng Makati City
Hi Elsa,
Lahat ng sinabi mo ay totoo. Maganda talaga sa katawan ang oatmeal. Pero sabi mo, kinakain mo yan sa almusal. Hindi mo nasabi kung ano ang kinakain mo sa tanghalian, merienda at hapunan? Kung ang kinakain mo naman ay sisig, lechon, pritong liempo, aba, balewala rin yang pa-oatmeal mo sa umaga. Nakakapayat ang oatmeal kung may kasamang exercise! Wag mong i-asa sa oatmeal ang kalusugan mo! Etchosera!
•
Hi Alex,
Sobrang bagal ng Internet sa Pilipinas! Ang mahal ng singil pero sobrang bagal. Sa ibang bansa, tulad ng Malaysia, Singapore, Japan at Thailand, sobrang bilis. Hindi ko tuloy magawa ang mga research at assignments ko sa school! Hindi ako makapunta sa mga sites kung saan pwede ako makakuha ng mga information na magagamit ko sa school namin! Ano ba ang gagawin para mapabilis ang internet dito sa Pilipinas?
Gerry ng Alabang
Hi Gerry,
Sobrang sipag mo namang student! Talaga bang para sa school yan kaya ka nababagalan sa Internet mo! Huwag mo akong pinaglololoko! Kaya ka nababagalan kasi kung anu-anong porn site ang pinupuntahan mo! Naiinis ka kasi laging buffering! Alam ko yan dahil ganyan ang naeexperience ko madalas este ng mga kaibigan ko pala!
•
Hi Alex,
Madalas akong makaramdam ng kakaiba sa bahay. Parang may nagpaparamdam sa akin na masamang espiritu. Nagsimula ito nang pumunta ako sa isang lamay pero hindi ako nagpagpag. Ang sabi nila baka sumunod daw sa akin ang kaluluwa ng namatay. Totoo po ba ang pagpag?
Kenny ng Montalban
Hi Kenny,
Sus! Yang nararamdaman mo sa bahay mo, imahinasyon mo lang yan! Ewan ko ba dito sa mga multo at masasamang espiritu, may problema or unfinished business, puro paramdam lang ang ginagawa! Bakit ayaw niyo makipag-usap! Kung may problema, punta kayo kay Tulfo para masolusyunan! Walang magagawa yang paramdam-paramdam na yan! Saka yang pagpag, hindi totoo yan! Ang pagpag na totoo yun pagkatapos mo umihi! Yan, dapat ka talagang mag-pagpag!
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007