By ALEX CALLEJA
ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
Hi Alex,
Magkakaroon na naman kami ng family reunion this September. As usual magkikita-kita na naman kaming mga magkakamag-anak. Yung iba galing sa probinsiya, yung iba, galing sa ibang bansa. Makikita ko na naman ang mga tito at tita ko. OK lang naman dahil miss ko rin naman sila kaya lang, ang kinaiinisan ko, eh yung tatanungin ka kung may boyfriend ka na, bakit wala ka pang asawa, mga ganung usual na tanong. Ang madalas magtanong ng ganyang mga tanong eh ang Tita Nita ko. Paano ko kaya sila mapapatigil sa kakatanong kung kelan ako mag-aasawa?
Miles ng San Juan
Hi Miles,
Masaya ang family reunion! Dyan nagkikita-kita ang mga matagal ng hindi nagkikita. Kaya naman madalas ang tanungan, lalo na mula sa mga matatanda, tulad ng mga tito at tita mo. May isa kang tita na madalas magtanong sayo ng personal na mga tanong. Madali lang naman patigilin yang ganyang mga tita. Sa susunod na tanungin ka kung kelan ka mag-aasawa, tanungin mo rin sila kung kelan sila mamamatay! Titigil yan. Pero teka muna, bakit nga ba hindi ka pa nag-aasawa?
Hi Alex,
May alaga po akong aso at ilang buwan na siyang umaalulong. Madalas po sa hatinggabi at nakatingin po siya sa puno sa tabing bahay namin. Kapag pinapakawalan naman namin, tumatakbo lang at umiihi sa puno. Ano po kaya ang ibig sabihin ng pag-alulong niya?
Stella ng Morong
Hi Stella,
Huwag mong takutin ang sarili mo. Kaya umaalulong ang aso mo dahil hindi siya nakakapagsalita! Kung nakakapagsalita yan eh di tinawag ka na lang at kinausap! Kaya siya umaalulong eh dahil naiihi siya. Nakatingin siya sa puno kasi dun niya gusto umiihi. Kaya nga kapag pinapakawalan mo, dumidiretso sa puno at umiihi. Wag kang mag-isip ng kung anu-ano!
Hi Alex,
Madalas po ako uminom ng softdrinks. Pagkatapos ko uminom, sumasakit ang tiyan ko. Dahil po kaya yun sa softdrinks?
Gemma ng Marilao
Hi Gemma,
Sumasakit ang tyan mo kapag umiinom ka ng softdrinks, tapos tinatanong mo kung softdrinks ba ang dahilan kung bakit sumakit ang tyan mo? Ano sa tingin mo? Sumasakit ang ulo ko sa’yo!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007