ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o mala-king problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Gusto ko lang malaman kung talagang naibalik na ang madaming container na basura sa Canada. Baka kasi pinagloloko lang ulit tayo at nandito pa pala sa Pilipinas!
Sergio ng Navotas
Hi Sergio,
Naibalik na. Dalawang linggo na ang nakakaraan! 20 days ata na byabyahe ang mga basura mula Pilipinas papuntang Canada! Nakakainggit nga eh, buti pa ang basura, nakarating na sa Pilipinas, nakapunta pa sa Canada! Eh ang daming Pinoy na gustong makapunta sa Canada!
* * *
Hi Alex,
Lahat ng mga kakilala kong babae gustong magpakasal sa buwan ng Hunyo. Gusto nila maging June bride. Bakit madaming mga babae ang gustong maging June bride?
Lito ng Malabon
Hi Lito,
Hindi ko rin alam pero humahabol na ang buwan ng December at January bilang buwan kung saan gustong magpakasal ng mga babae. Malamig kasi ang mga buwan na ito. Ang June naman ay tag-ulan kaya siguro maraming gustong magpakasal. Matuwa ka na lang at marami pa rin ang gustong magpakasal. Kasi dumadami na rin ang gustong makipaghiwalay!
* * *
Hi Alex,
Magpapalagay ako ng pinto sa bahay na yari sa salamin. Natatakot lang ako baka madaling mabasag. Ano ba ang gagawin ko para hindi agad mabasag ang pinto ko na gawa sa salamin?
Mely ng Makati
Hi Mely,
Sugal yan kapag nagpagawa ka ng pinto na gawa sa salamin. Kapag nabato, basag, kapag sobrang init, nababasag din! Ang hirap din magmaintain kasi dumihin ang salamin. Pero ang pinakamatindi sa lahat, panigurado may mauuntog dyan sa salamin mo. Yun yung mga taong hindi tinitignan ang dinadaanan! Basag na salamin mo, basag pa ang noo! Doble gastos! Pag-isipan mo mabuti yan!
* * *
Hi Alex,
Ang dami kong kaibigan na pabago-bago ng cellphone number! Ano ba ang ibig sabihin nito?
Charito ng Cubao
Hi Charito,
Pwedeng madalas silang mawalan ng cellphone, pwede rin na umaalis sila sa bansa kaya pagbalik nila, kailangan na nila ng bagong number. Pero ang talagang madalas na dahilan eh dahil sila ay may mga pinagtataguang mga tao. At ang madalas na dahilan nito ay utang! Ingat ka lang baka ikaw na ang kasunod na utangan!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected] facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007