ANG column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
* * *
Hi Alex,
Tag-ulan na at napapadalas na ang ulan sa lugar namin. Ang isang sensyales ba na uulan eh kapag dumilim ang langit Tito Alex?
Toffee ng Singalong
Hi Toffee,
Hindi naman ibig sabihin na dumilim ang langit eh uulan na. Minsan kaya dumidilim eh dahil gabi na!
* * *
Hi Alex,
Naniniwala po ba kayo sa sinabi ni Senator Tito Sotto na may mga isdang galing sa China na nagpupunta sa Pilipinas, at may mga isdang galing sa Pilipinas naman ang nagpupunta sa China?
Rina ng Makati
Hi Rina,
Oo naman! Lahat naman ng isda eh kung saan-saan nanggaling hindi lang sa China! At hindi mo kailangan manghuli sa dagat para malaman mo kung saan sila galing! Tignan mo lang ang lata ng sardinas, tignan mo kung saan ginawa. Kapag imported, sa ibang bansa galing yung isda!
* * *
Hi Alex,
Matagal ko na po itong gustong itanong sa inyo Tito Alex. Gaano kahaba ba ang EDSA?
Myron ng Quezon City
Hi Myron,
Mahaba ang EDSA. Ito ang pinakamahabang daan sa buong mundo! Malamang marami ang kokontra dito pero may patunay ako. Kapag nagpunta ka sa Bicol, halos isang oras lang sa eroplano. Punta ka Boracay, halos isang oras lang din. Cebu at Davao, dalawang oras! Hong Kong, halos dalawang oras lang! Eh sa EDSA! Mula EDSA Baclaran hanggang EDSA Monumento, aabutin ka ng tatlong oras! Di’ba ang haba nun?! Kailangan mo rin ng mahabang pasensiya!
* * *
Hi Alex,
Ano ang mas nakakalagnat, ang maambunan o maulanan?
Donnie ng Bacoor, Cavite
Hi Donnie,
Kahit maulanan ka or maambunan, lalagnatin ka kapag hindi ka sumilong at hindi ka agad nagpatuyo! Magtatanong ka pa eh alam mo naman na masama ang nagpapaulan at nagpapa-ambon! Umuwi ka sa bahay!
* * *
Hi Alex,
Gusto ko lang po malaman kung totoong may langit at impyerno? May paraan ba para malalaman kung totoo ito o hindi?
Zandro ng Dimasalang
Hi Zandro,
Wala akong balak gawin para mapatunayan ko kung may langit o impyerno. Kung atat kang malaman eh mauna ka na at wag mo akong idamay! Ang alam ko, masarap sa earth!
* * *
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: [email protected]
facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007