INAMIN ni Michael V. na naging mabigat ang pressure sa kanyang balikat dahil sa pagiging producer, writer, director at bida ng pelikulang “Family History.”
Dahil sa lahat na nangyayari sa production ay inaaasikaso niya, inaamin niyang umiinit din ang ulo niya paminsan-minsan.
Sey niya, “Hindi ko lang pinapahalata. Ayokong maging issue kasi iyon sa mga katrabaho ko. Kung kaya ko pang tiisin, bakit hindi?
“Hindi kasi madali ang bumuo ka ng isang malaking pelikula. You have to see everything na maayos at walang aberya. If something happens na hindi dapat, dun ka medyo mapu-frustrate,” dagdag pa niya.
May co-star ba siyang pinagalitan?
“Wala naman akong pinapagalitan,” sagot ni Bitoy. “Ayoko na may gano’n na mangyayari. Isipin ko na lang na it’s just another day sa trabaho. Hindi naman puwedeng perpekto ang lahat, ‘di ba?”
Kapag sobra na raw ang frustrations ni Bitoy, tinatawagan daw niya ang kanyang misis na si Carol.
“Ayoi (Carol’s nickname) can handle things a lot better than I could kasi hindi ako puwede magsalita. You have to maintain a certain image and ayaw mo naman madurog ’yong kalooban no’ng mga taong kasama ninyo nagtatrabaho. Hindi kasi isang araw lang yan. Ilang araw na nagtatrabaho kayo, magkakasama kayo. Ayoko ko ’yong may kainisan ka?” katwiran ni Bitoy.
Isa raw sa payo ni Ayoi sa kanya ay ang kausapin niya ng maayos ang taong involved para walang samaan ng loob.
Kaya si Bitoy, pagkatapos na maayos ang problema sa set, niyayakap daw niya ang mga taong nagpaliwanag naman sa kanya ng maayos.
“I personally make it a point to hug these people na nakasagutan ko – kaya ilang ulit kaming nagyayakapan ng mga tao dito. Ayoko ko kasi no’ng may sama ka ng loob sa akin.” (RUEL J. MENDOZA)