PINABULAANAN ni Julia Barretto ang alegasyon na sumali siya sa napabalitang komprontasyon ng ina na si Marjorie Barretto at tiyahin na si Claudine Barretto na nauwi sa sakitan.
Ayon sa mga report nangyari ito sa burol ng yumaong Barretto patriarch na si Miguel “Mike” Barretto noong gabi ng Oct. 17.
Isa sa mga kasama ni Claudine ng gabing iyon, si Ruby Baguhin, ang nagsabing kasali diumano si Julia nang magkasakitan ang magkapatid.
Pero diin ni Julia sa interview niya kay Mario Dumaual, ABS-CBN entertainment news reporter: “Wala pong katotohanan.”
Bukod doon ayaw nang magsalita pa ng aktres sa isyu.
Aniya, “Yung mga magkakapatid lang po makakasagot niyan. I cannot speak for them. Hindi ko po laban, e. I don’t have the right to speak for any of them.”
Sunud-sunod na araw nang laman ng mga pahayagan ang mga Barretto sanhi nga ng kanilang masidhing bangayan.
Obvious na punumpuno na si Julia sa mga samu’t saring usap na lumalabas hinggil dito.
Apela nga niya sa publiko, “I think it’s also nice if everybody would give the family the privacy and the respect to resolve their issues.” (Delia Cuaresma)