Walang hilig sa politics ang Kapuso Drama King na si Dennis Trillo kaya hindi siya maaaring maengganyo ng sinuman na pumasok sa mundong ito.
Sa mahusay na pagganap nga raw ng aktor bilang ang INC founder sa pelikulang Felix Manalo, tiyak na raw ang panalo ni Dennis kapag nagbalak itong tumakbo sa anumang posisyon sa gobyerno.
“Nakakatuwa namang malaman ‘yan. Pero ang problema ay wala akong hilig sa politics talaga. Ayoko naman kasing pasukin ang isang bagay na wala akong masyadong nalalaman,” Trillo said.
“May mga tao para talaga sa politics. Nagkataon na hindi ako roon,” diin pa ni Dennis.
Sa darating na eleksyon in 2016, pinag-iisipan pa ni Dennis kung boboto siya o hindi.
“Parang ayaw kong bumoto. Sa tingin ko lang, wala pang nakakapag-convince sa akin. Especially sa pagkapresidente, wala pa akong nakikitang gusto kong iboto,” ani Dennis.
“Gusto ko yung maraming experience na leader, ayaw ko ng hilaw.”
Ayon pa sa leading man ng teleserye na My Faithful Husband, may hinahanap siyang quality sa isang candidate na kakayanin ang pag-alaga sa buong bansa at sana ang mga boboto ay mapili nila ang karapat-dapat sa posisyon.
“Dapat magsimula sa mga kandidato ‘yung isang magandang example, role model talaga sila na pamamarisan at tutularan.
Sana matuto na sila sa mga pulitiko, yung mga nakita nila sa mga nagdaang taon, sa mga nangyayari sa mga corrupt na tao.”
Hindi raw tatanggap ng malaking bayad si Dennis para mag-endorse ng pulitiko na hindi niya masyadong kilala. “Hindi importante sa akin ang malaking TF. Mas importante sa akin ang reputasyon ng isang tao. Kasi, kung malaki nga ang TF, masama naman ang reputasyon niya sa maraming tao, ang daming negative na ano, baka mahawa lang ako.”
“Mas importante sa akin yung karespe-respeto yung taong nire-represent ko at iniendorso ko.” (RUEL J. MENDOZA)