Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!
•
Hi Alex,
May bagong panukala ang PNP kung saan bawal na ang PDA o Public Display of Affection. Nakakapagtaka lang kasi kung mag-asawa kami, magkatabi sa kama, nagyayakapan, naghahalikan, nagsisiping, pero paglabas ng bahay hindi puwede magdikit? Parang ang labo. Pabor ka ba sa panukala na ito Kuya Alex?
Muroy ng Dimasalang
Hi Muroy,
Naguguluhan din ako at tama ka sa sinabi mo, ang mag-asawa o magsyota na magkasama sa loob ng bahay, naghahalikan, nagyayakapan, nagsisiping eh hindi puwede magdikit sa labas. Medyo malabo nga. Pero ang pabor dito eh ang lalake, lalo na ‘yung mga may asawa. Ngayon, kapag lalabas kayo ni misis, hindi ka puwersado na maging sweet. Mukhang kang binata ngayon. Saka karamihan naman sa mga sa lalake hindi sweet kaya parang mas apektado ang mga babae dito. Sundin na lang natin dahil kung ang PDA dati ay Public Display of Affection, ngayon ito ay Pulis Disciplinary Action na!
•
Hi Alex,
Iniimpliment na naman ang curfew sa amin. Ang hirap na naman dahil sa trabaho ko na graveyard shift. Call center kasi ako at nakakaabala na magpapakita ka ng katibayan na nagtratrabaho ka sa call center para hindi hulihin. Bakit ba kailangan ng curfew na naman?
Fran ng San Juan
Hi Fran,
Tumataas kasi ang bilang ulit ng may COVID-19 kaya nililimitahan ang paglabas ng mga tao. Hindi ko alam kung makakatulong ito kasi hindi ko naman alam kung ano ang ugali ng COVID-19. Kasi kung natutulog ang COVID-19 sa gabi, mas dapat tayong gumala sa gabi kasi tulog sila. Dapat mas bawal tayong lumabas sa umaga kasi gising sila. Saka may oras ang curfew, 10 p.m. to 5 a.m. so hindi rin alam kung bakit. Baka nagsurvey sila sa mga COVID-19 at napagalaman nila na gising ang COVID-19 mula 10 p.m. hanggang 5 a.m. Hindi ko na rin alam. Sundin mo na lang at mag-ingat ka.
•
Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alex[email protected] or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.