Isang taon na ang nakalipas mula i-lockdown ang buong bansa. May nabago ba sa entertainment industry?
Nakabalik na nga ang mga natenggang TV shows at ngayong patapos na ang unang quarter ng 2021, tuloy pa rin ang Kapuso Network sa paghandog ng mga bagong programa.
Nagsimula na sa primetime ang “First Yaya” nina Gabby Concepcion, Sanya Lopez at iba pa.
Bongga ang series dahil sa pilot telecast nito last Monday, March 15, inilabas ito sa tatlong GMA channels – GMA TV, GTV at Heart of Asia.
Nakalinya pa ang mga bagong show ng Kapuso Network: “Ang Dalawang Ikaw” nina Rita Daniela at Ken Chan; “Legal Wives” ni Dennis Trillo at ang bagong season ng mini-series na “I Can See” na sina Ruru Madrid at Shaira Diaz ang tampok sa unang episode.
Pagdating sa movies, nakagawa na ang ilang producers. ‘Yun nga lang, mas lamang ang streaming kesa ipalabas sa mga sinehan.
Sa totoo lang, urong-sulong ang pagbubukas ng mga sinehan. Wala pang final desisyon kung bubuksan na ito talaga sa publiko kahit may natuturukan na ng bakuna.
Sa mga movies na ginagawa ngayon, pinakaabangan ang pagtatambal nina Bea Alonzo at Alden Richards sa pelikulang “A Moment To Remember.”
May balitang sa sinehan ito ipalalabas.
Sana, magsilbing go signal ang Bea-Alden movie upang pumasok na ang mga tao sa sinehan nang sa gayon ay sumigla na nang tuluyan ang local movie industry, huh!