By MELL T. NAVARRO
Tila naging “blessing in disguise” ang hindi pagkakapasok ng bagong comedy movie ni Roderick Paulate na “Mudrasta” (produced ng TRex Entertainment) sa nakaraang Metro Manila Film Festival 2021.
Kasama ni Roderick sa “Mudrasta” sina Tonton Gutierrez, Carmi Martin, Elmo Magalona, Arkin Magalona, Raven Molina, Aura Briguela, and Ms. Celia Rodriguez.
Story by Rex Tiri, written by Joni Fontanos, directed by Julius Alfonso.
Real talk, naging mahina ang box office return ng MMFF – at isang dahilan ay takot pa ang majority ng moviegoers sa bansa, dahil sa banta ng COVID-19 virus.
Risky pa daw ang pumasok sa sinehan, marami pa ring restrictions like naka-mask pa rin, bawal kumain, social distancing. Bukod pa sa mataas ang movie ticket price.
Bagama’t as per MMFF, they had to start with the slow opening ng mga sinehan. Pero, nag-surge nga ang cases sa pagpasok ng 2022, dahil sa omicron virant, at nito lang January 7 nagtapos ang MMFF.
“Ang totoo, hindi ko alam na sinali pala ang movie namin sa MMFF, nagulat na lang ako,” pag-amin ni Roderick nang minsang maka-tsikahan ng yours truly.
“Baka blessing in disguise. Kung pre-COVID, gusto kong makasama ang movie sa MMFF. Pero during COVID, naisip ko, baka walang manood?
“Pero gusto kong matawa rin ang mga tao sa panahon ngayon. Although mas gusto kong matawa ang mga tao sa loob ng sinehan nang walang mask.”
Samantala, nagbabalik-pulitika si Roderick dahil he hopes to return as councilor sa District 2 ng Quezon City as part of the slate of Congresswoman Precious Castelo.
Nais raw niyang ibalik ang serbisyo sa mga constituents niya sa QC, this time, under the tandem of Anakalusugan Rep. na si Mike Defensor and Councilor Winnie Castelo.
“Nakaka-miss ‘yung dati kong ginagawa, being a public servant. ‘Yung pagsisilbi ko sa mga tao.
“Sobrang nakakataba ng puso ko ‘yung from out of the blue, pag nasa labas ako ng bahay, may lalapit sa ‘yo at magpapasalamat dahil may nagawa raw akong tulong para sa pamilya o community nila.
“If you are used to providing help and service to the public, siyempre, mami-miss mo ang pagtulong,” sabi ni Roderick.
Bonus na blessing rin daw para sa versatile actor nu’ng 2021 ang manalo siyang Best Supporting Actor sa PMPC Star Awards for Television para sa “One Of The Baes” na serye niya sa GMA 7.
“Masaya ako sa pagkilalang ‘yun ng PMPC dahil parang comeback ko ‘yun sa TV eh. Masaya kami sa set, naging pamilya na kami sa show na ‘yun.
“Ang totoo niyan, kahit naman noon, marami nang naging offers sa TV man o movies. Pero dumating na ako sa point na kailangan, ‘yung materyal ay gustong-gusto ko at naniniwala ako sa vision ng direktor,” say ni Roderick.
Ilang dekada na nga naman sa industriya ang isang Roderick Paulate, lalo na noong ’80s na hindi mabilang ang blockbuster movies niya. Nakatatak na nga yan sa record ng Regal Films’ big hits.
Sa estado niya bilang isang mahusay na artista na nagsimula pa as a child actor, eh wala na siyang dapat pang patunayan.