By MELL T. NAVARRO
Para sa taong 2021, sa ginanap na 37th Star Awards for Movies, ang beteranong aktor na si Ronaldo Valdez ang ginawaran ng Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement Award.
Ang parangal ay taon-taong ipinagkakaloob ng Philippine Movie Press Club (PMPC), katuwang ang National Artist at legendary Superstar na si Nora Aunor sa isang natatanging bituin – base sa kanyang achievements and contributions sa Philippine Cinema.
Sa malungkot na pagpanaw ng aktor kamakailan ay nagluluksa ang buong showbiz industry.
Kinuha namin ang pahayag ni Nora na tulad ng marami ay nakikidalamhati at nagdarasal sa pamilya ng yumaong aktor.
Saad ni Ate Guy: “Ngayon ko lang nalaman ang nangyari at dahilan. Talagang nakakagulat at nakakalungkot ang mga pangyayari, hindi ako makapaniwala…”
Napanood ng award-winning actress ang video ni Ronaldo, accepting his Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime Achievement trophy from PMPC Star Awards.
Nagbalik-tanaw si Ate Guy sa mga pelikulang pinagsamahan nila ni Ronaldo.
“Nakasama ko si Idol Ronaldo Valdez sa ilang mahalaga at hindi malilimutang pelikula tulad ng ‘Banaue’ (1975), dinîrek ng isa sa pinakamagagaling nating direktor na si Manong Gerry de Leon.
“Nagkasama rin kami sa Caridad episode ng pelikulang ‘Fe, Esperanza, Caridad’ (1974), kung saan ako ay isang madre na umibig sa isang demonyo (Ronaldo Valdez). Ito ay dinerek ni Manong Gerry sa Premiere Productions.
“Ang ‘Paru-Parong Itim’ (1973) na kasama ko siya at Boots Anson Roa, na si George Rowe ang director.
“Sa ‘Niño Valiente’ (1975) naman, kasama niya ang kapatid kong si Eddie Villamayor,” kuwento ni Nora.
Ang apat na pelikulang ito ay mula sa NV Productions na si La Aunor ang executive producer. Siya ang direktor ng “Niño Valiente.”
Sa Viva Films, nagkatrabaho rin sina Nora at Ronaldo sa “The Flor Contemplacion Story” under Direk Joel Lamangan.
Pagpapatuloy ni Ate Guy: “Madalas din siyang mag-guest noon sa aking mga TV shows tulad ng ‘Makulay Na Daigdig Ni Nora,’ ‘Nora Cinderella,’ ‘La Aunor,’ ‘Superstar’ sa RPN 9.
“Ang aking taos sa pusong pasasalamat sa PMPC Star Awards sa paggawad sa kanya ng Lifetime Achievement Award. Walang ibang major award giving body ang nakaalala sa kanyang mga ginawang malaking kontribusyon sa Industriya ng Pelikulang Pilipino.
“Siya ang Nora Aunor Ulirang Artista Lifetime honoree dalawang taon na ang nakakaraan. Isa siya sa mga versatile actors natin, drama man o comedy.
“Napakalaking kawalan sa industriya ng sining ang pagpanaw ng ating beteranong actor, na limang dekada na ang itinagal sa Pelikulang Pilipino na si Ronaldo Valdez.
“Isang napakabait na tao, marunong makisama, mapagbiro, isang napakagaling na artista, at mahusay ring umawit.
“Ako, sampu ng aking pamilya, at si John (Rendez) ay nakikiramay sa lahat ng naiwan niyang mga mahal niya sa buhay. Our prayers and may he rest in peace,” pagtatapos ni Nora.