by Rowena Agilada
NAG-DENY pa rin si Max Collins na may relasyon sila ni Pancho Magno kahit ibinuking na siya ni Luis Alandy. Una naming nakausap ang huli sa taping ng “Innamorata” sa Antipolo City at aniya, “taken” na ang mga aktres na kasama niya sa naturang afternoon drama series ng GMA7. Co-stars dito ni Luis sina Max, Jackie Rice at Gwen Zamora. Non-showbiz ang respective boyfriends nina Jackie at Gwen.
Ani Max, hindi pa sila officially together ni Pancho. Nasa dating stage pa lang daw sila. Lately, bihira silang magkita dahil pareho silang busy sa taping ng kanilang respective TV shows, si Pancho sa “Kambal Sirena” at siya (Max) sa “Innamorata.”
Nabanggit ni Max na may gagawin siyang international movie na sa Singapore (o Middle East?) ang location shoot. A month or so kailangan niyang manatili roon. Tatapusin lang niya ang “Innamorata” na hanggang May pa ang airing at saka siya magsu-shoot ng international movie.
Producer na rin
New look si Kiko Rustia at pinagupit na niya nang maikli ang braided long hair niya na naging tatak niya noong nag-join siya sa “Survivor Philippines” sa GMA7. TV producer na rin ngayon si Kiko at itinatag niya ang KikOff Productions, kasosyo ang mga kapatid niyang sina Riza at Rachelle. First venture ni Kiko ang isang environmental/ travel show na pinamagatang “Dis is Pinas.” Siya ang host at ipapakita rito ang culture at history ng Pilipinas.
Maglilibot siya nationwide para maipakita ang kagandahan ng Pilipinas at aniya, paraan na rin ito para mai-promote ang responsible tourism. May tie-up sila sa Department of Tourism. Tatlong kamera na HD (high definition) na parang wristwatch ang gamit ni Kiko sa pagkuha ng mga lugar na pinupuntahan niya.
“Adventurous ako at gusto ko ’yung nagpupunta ako sa iba’t ibang lugar para malaman ko ang bawat kultura at history, ang mag-interbyu sa iba’t ibang tao para alamin ang mga kalagayan nila, ang uri ng pamumuhay nila at iba pa,” sambit ni Kiko.
Sa first episode ng “Dis is Pinas,” ipapakita ni Kiko ang kagandahan ng Ilocos, ang iba’t ibang tribu roon, kultura at history. Mapapanood ang “Dis is Pinas” tuwing Sabado simula sa April 5 sa GMA News TV, 11:30 a.m. hanggang 12 nn.
Susubukan
Susubukan ang chemistry nina Miguel Tanfelix at Bianca Umali sa drama series na “Niño.” Homegrown talents sila ng GMA Artist Center at nagkasama na sila sa fantaserye “Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa” at “Mga Basang Sisiw.” Produkto ng “Starstruck Kids” si Miguel at kapanabayan niya si Bea Binene. First major project niya sa GMA ang “Mulawin” kung saan gumanap siya bilang batang Pagaspas.
First title role ni Miguel ang “Niño” at katukayo niya si David Remo na isang Sto. Niño incarnate. Tungkol ito sa isang batang magsisilbing inspirasyon sa mga tao na huwag mawawalan ng pag-asa sa kabila ng maraming pagsubok sa buhay. Tampok din sina Renz Valerio, Vincent Magbanua, Julian Trono, Katrina Halili, Gloria Romero at Tom Rodriguez (guest role). Mula sa direksiyon ni Maryo J. delos Reyes.
Fake pala
Mamaya sa “Obsession,” maghaharap na sina Vanessa (Bianca King) at James (Martin Escudero) matapos ang matagal na pagkawala ng huli. Matatandaang inoperahan ni Ramon (Marvin Agustin) ang kanyang sarili para maging kamukha ni James. Agad niyaya ni fake James si Bernadette na magpakasal.
Tututol si Vanessa at kanyang inang si Eliza (Maureen Mauricio). Duda si Vanessa sa pagkatao ng biglang-lutang na si James. Magpapanggap siya bilang Bernadette para malaman kung sino ito talaga. Matutuklasan niyang fake James pala ito.