Pina-igting pa ng Quezon City government ang pagsusumikap nitong mapalawak ang serbisyong pangkalusugan ng lungsod nang makipagtulungan ito sa Unilab, Inc. sa paglulunsad ng isang online information exchange database na naglalayong magbigay ng mas mabilis at mainam na maternal at neonatal health services sa mga mamamayan nito.
Sa pangunguna ni Mayor Herbert M. Bautista, QC Health Department (QCHD) at Unilab, inilunsad noong 5th Maternal and Neonatal Health Summit ang “Seal of Excellence” (SoE) Plus bilang bahagi ng patuloy nitong initiative upang pag-ibayuhin ang health services.
“Sa pamamagitan ng SoE PLUS, ang mga Seal of Excellence-awarded lying-in clinics sa Quezon City ay agarang makakapagsumimite sa bisa ng Internet ng kani-kanilang postpartum at newbord profiles gamit ang prescribed reporting templates sa database ng pamahalaang lokal,” ani Bautista.
Ang pagpapatupad ng SoE PLUS ay bahagi ng pagpapalawak ng Quezon City sa SoE program nito na nagnanais na kilalanin ang mga pribadong lying-in clinics sa siyudad na nagtamo ng mahahalagang Newborn Child Health and Nutrition (MNCHN) indicators.