By ARIEL FERNANDEZ
Hindi na nakapalag ang taxi driver na si Bong Ramon Leoligao ng hulihin siya ng airport police nitong Linggo.
Positibong tinuro siya ni Suzanne Nagac, assistant ni Melody “Mimi” Parrel Pimentel, fashion consultant ni President Rodrigo Duterte, na siyang na ningil sa kanya ng halagang P600 plus P45 toll fee mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2, hanggang NAIA terminal 3, isang tatlong minutong biyahe.
Ayon kay Airport Police Officer II Roderrick Mejia, nagsimula ang lahat nang pinara ni Nagac ang taxi na minamaneho ni Leoligao Biyernes ng tanghali sa may NAIA terminal 2 upang magpahatid sa NAIA Terminal 3.
Pumayag naman daw itong si Leoligao ngunit habang binabagtas nila ang MIAA Road sinabi nito na P600 ang pasahe niya.
Kiniwestyon daw ni Nagac kung bakit ganoon kalaki ang bayad nguni’t nagalit daw itong si Leoligao.
Humingi pa raw ito ng karagdagang R45 bago sila tumawid sa toll gate.
Sa takot, hindi na raw siya nakipagtalo pa kay Leoligao, bagkus nilista na lamang niya ang plate number ng sasakyan nito.
Makaraan, nagpunta si Nagac sa pinakamalapit na sangay ng airport police upang magreklamo.
Nang i-verify ni Mejia sa Land Transportation Office (LTO) ang plate number, napagalaman na hindi ito nakare histro mula pa noong 2007.
Pinagplanuhan kaagad ng airport police si Leoligao.
Nasakote nila ang mandarambong na taxi driver nang bumalik ito sa NAIA Terminal 2 noong Linggo.
Sasampahan ng magkakahiwalay na kaso ng swindling, estafa, at unjust vexation sa prosecutor’s office si Leoligao.
Ayon kay Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal, lalo pa nilang paiigtingin ang pagbabantay sa mga tiwaling taxi driver na nagsasakay ng mga pasahero sa airport.