HINDI ipinagkaila ni Bayani Agbayani na ginastusan ni senator-elect Bong Go ang huling punta niya sa Japan kasama ang asawa.
Taliwas ito sa mga pakuda ng mga nakasamang artista doon na kesyo sila-sila lang daw ang gumastos para sa kontrobresyal na biyahe.
Isa lang si Bayani sa isang rekwang artista na hinakot para sumabay sa state visit ni President Rodrigo Duterte roon.
Ani Bayani ng kapanayamin siya ng Pep Troika, “Mapapanghawakan ko lang ang sarili ko, ha? Hindi ko alam yung sa iba. Akala ko, blowout sa amin, ‘yun pala, magtatrabaho kami. Kaya sabi ko kay Lenlen (asawa niya), matuwa na lang tayo dahil nakita naman, tinitipid talaga nila.”
Economy ticket daw ang ibinigay sa kanya ni Go, pero si Bayani raw ang nagbayad para kay Lenlen dahil gusto niya itong isama.
Aware si Bayani sa mga batikos na tinanggap ng ilang kapwa artista na nagpunta doon.
“Sabi ko nga sa kanila, dapat sinasagot ninyo nang tama ang bawat tanong. Kung ano yung tanong, yun ang sagot. Kasi, hindi naman puwede na ikaw pa ang magbabayad ng pamasahe mo, ‘tapos ikaw pa ang magpi-perform. Ano ka, tanga? Normal naman yun, e,” sabi ni Bayani.
Nilinaw niya na hindi binayaran ang performance niya doon.
“Kahit singko, wala, as in wala. Siyempre, yung economy na ticket, alangan namang sagutin ko pa yun? Magpi-perform na nga ako doon para sa mga Pilipino para mapasaya sila,” diin pa niya. (DELIA CUARESMA)