Home » Entertainment » AlDub inuulan ng paninira

AlDub inuulan ng paninira

PAG mabunga ang puno, pinupukol. Ganyan ang nangyayari ngayon kina Alden Richards at Maine Mendoza (Yaya Dub). Kung anu-ano’ng paninira ang naglalabasan tungkol sa kanilang dalawa. Kesyo, bait-baitan lang daw si Maine. Palengkera, mahilig sa party at lalaki.

Mabuti na lang, may mga kaibigan at kakilala si Maine na lubusang nakakakilala sa kanya. Ipinagtatangggol nila ito sa mga naninira sa dalagang Bulakenya. Mukha namang hindi apektado si Maine sa mga intrigang naglalabasan tungkol sa kanya. Mukhang inihanda na niya ang kanyang sarili kung paano iha-handle ang mga isyu sa kanya.

Sabi nga ng kanyang mga tagapagtanggol, “Mamatay sila (mga naninira) sa inggit.” Panahon ngayon ni Maine at tanggapin nang kilalang-kilala siya hindi lang nationwide kundi worldwide.

Si Alden naman, iniintrigang kesyo bading daw. May kumakalat na photoshopped pictures niya na ang insinuation ay beki siya. Naman! Wala kasing maisyu kay Alden, kaya may (o mga) gustong palabasing beki ang Pambansang Bae.

Anu-ano pa kayang paninira sa AlDUb tandem kapag naglabasan na ang mga bagong product endorsement nila at billboards sa kahabaan ng EDSA?

Did we hear it right na 10 to 15 endorsements pa ang gagawin ng AlDub bago matapos ang 2015? At meron pa raw sa pagpasok ng 2016. ’Kaloka! Sila na ang Hari at Reyna ng Commercials.

Misteryosong textmate

Sa isang presscon ni Maja Salvador ay sinabi niyang may textmate siyang nagpapangiti sa kanya ngayon. Bagaman hindi siya nagbanggit ng pangalan, inisip ng mga nakausap niyang entertainment press na si Sam Milby ’yun.

Deadma ever naman ang Kapamilya actor at NR (No Reaction). May nasagap kaming tsikang diumano’y he’s seeing a non-showbiz girl. Maganda raw ito, ayon sa mga nakakita ng picture nito sa Instagram account nito.

That girl kaya ang tinutukoy ni Sam nang sabihin niya sa presscon ng “The PreNup” na may idine-date siya? He claims na single siya at hanggang dating lang muna siya.

Sino kaya ang misteryosong textmate ni Maja?

Guessing game

Guessing game pa rin kung sino ang ipapalit kay Angel Locsin para gumanap bilang Darna sa movie version nito. Kung ang madlang pipol ang masusunod, si Liza Soberano ang Number One choice nila.

Ang iba pang pinagpipilian ay sina Sophia Andres, Julia Montes, Ella Cruz, Nadine Lustre at Maja Salvador. May mga nagsasabing bagay rin ang Darna role kina KC Concepcion, Anne Curtis at Iza Calzado.

Gumanap na bilang Dyesebel si Anne na pinangarap din ni KC gampanan. Nagkaisyu pa nga noon na diumano’y sumama ang loob ni KC nang hindi sa kanya napunta ang project. Nag-abroad siya at nag-lie low sa showbiz for several months.

Kesyo, nag-aral daw siya.

Hindi kaya ma-frustrate na naman si KC kapag hindi siya ang napiling gumanap bilang Darna? Abang-abang na lang sa official announcement ng Star Cinema kung sino talaga ang choice para sa Darna role. (ROWENA AGILADA)

comments