Home » News » Local » Babae binaril ang sarili

Babae binaril ang sarili

Isang 34 taong gulang na babae ang nagpakamatay umano sa kanyang bahay noong Sabado ng hapon sa Pasay City. Kinilala ni SPO4 Allan Valdez, may hawak ng kaso, ang biktima na si Julieta Enriquez, may asawa, ng Celebrado St., Barangay 125.

Bago ang insidente, sinabi ng landlord ng biktima na si Severino San Juan, 59, na lasing si Enriquez at nagaway sila ng kanyang kinakasamang si Conrado Mercado Jr. Pumunta si Mercado sa bahay ni San Juan at inihabilin ang kanyang baril. Pero binawi ni Enriquez ang baril ni Mercado at bumalik ito sa kanyang bahay.

Ilang minuto ang lumipas at nakarinig ng putok ng baril ang kapitbahay na si Diomar Antonio mula sa bahay ng biktima. Sumilip si Antonio sa bahay ng biktima at nakita itong nakahandusay sa sahig at duguan. Itinakbo ang biktima sa ospital pero binawian ito ng buhay dahil sa tama ng bala sa dibdib. Samantala, isang lalaki ang nagpakamatay din umano sa Las Piñas City noong Sabado.

Kinilala ni Senior Supt. Jemar Modequillo, hepe ng Las Piñas police, ang biktima na si Joeneil Gollaba, 29, ng Millan St., Citadella Village, Barangay Pulang Lupa Dos. Ayon sa imbestigasyon, nakitang nakahansuday at duguan ang biktima ng kanyang inang si Matilde, 60, pagkatapos makarining ng isang putok ng baril sa kanyang kuwarto. (Martin A. Sadongdong and Jean Fernando)

comments