Home » News » Lalaki binaril sa harap ng apartelle sa QC

Lalaki binaril sa harap ng apartelle sa QC

Patay ang isang lalaki pagkatapos barilin sa harap ng isang apartelle sa Quezon City noong Martes ng gabi.

Ang biktima ay tinatayang 25 hanggang 30 taong gulang, may tangkad na 5’8”, nakasuot ng puting sando at asul na shorts, at may mga tattoo sa katawan.

Ayon sa salaysay ng isang saksi, nagpipinta siya sa isang kuwarto ng apartelle sa Quirino Highway, Barangay Greater Lagro nang makarinig siya ng putok ng baril sa labas.

Sumilip ang saksi sa bintana at nakita niya ang biktima na nakahandusay sa kalye at kaagad niyang itinawag ang insidente sa mga pulis.

Natagpuan ang isang basyo ng bala ng 9mm na baril malapit sa bangkay ng biktima. Nagtamo ng tama ng bala ang biktima sa ulo na tumagos sa kanyang bungo na kaagad nitong ikinamatay.

Si PO2 Jim Barayoga ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang may hawak ng kaso. (Vanne Elaine P. Terrazola)

comments