Home » News » Mentally ill man pinatay sa bugbog

Mentally ill man pinatay sa bugbog

BINALONAN, Pangasinan – Isang lalaking may sakit sa pag-iisip ang pinatay sa bugbog at palo bago itinapon ang kanyang bangkay ng isang tricycle driver sa Sitio Balisa, Barangay San Felipe Sur, Binalonan, nitong Huwebes.

Ayon kay Supt. Ferdinand de Asis, Pangasinan police spokesman, natagpuan ang duguang bangkay ng biktimang si Rolando Fernandez, 57, sa tabi ng daan, bandang 6:15 a.m. ng Huwebes.

Napag-alaman kay Reynaldo Fernandez, kapatid ng biktima, na may sakit sa pag-iisip si Rolando at madalas itong tumatakas sa bahay at nagliliwaliw sa iba’t ibang lugar.

Nadakip ng pulisya ang suspek na si Mark Gil Gombio, alias Macky, 25, tricycle driver, residente ng Barangay Sta. Maria Norte, Binalonan, Pangasinan.

Ayon sa testigong si Arc Curimao, 22, isa ring tricycle driver, nasa harap ng NFA warehouse ang biktima bandang 2:30 a.m. nang lapitan siya ng suspek at pagsusuntukin sa mukha na walang malinaw na dahilan.

Hindi pa nakuntento, pinagpapalo ng suspek ang biktima ng baseball bat hanggang sa mawalan ito ng ulirat, sabi in Curimao.

Nang makitang hindi na humihinga ang biktima, isinakay ng suspek sa kanyang tricycle ang bangkay ni Rolando at itinapon ito sa gilid ng daan, at saka tumakas.

Kaagad namang nadakip ang suspek. Na-recover sa kanya ang baseball bat na ginamit sa pagpatay sa biktima at ang kanyang tricycle. (Liezle Basa Iñigo)

comments