Home » News » Bagong silang na sanggol iniwan sa bangin, nailigtas

Bagong silang na sanggol iniwan sa bangin, nailigtas

ARINGAY, La Union – Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang ina ng isang bagong silang na sanggol na natagpuan sa isang bangin sa Barangay Samara, nitong Miyerkules ng umaga.

Nakakabit pa ang pusod ng sanggol na lalaki nang matagpuan ng mga residente sa gitna na nakapatong sa mga tuyong kahoy at dahon.

Nakita sa tabi niya ang isang basang tuwalya. Kaagad na binalot ng jacket ng residenting si John Mejia, 25, ang sanggol at dinala sa Ilocos Training Medical Center (ITRMC) sa San Fernando City para magamot at maalagaan nang maayos.

Kinuhanan ng video ng isang Gloria Salayon ang sanggol at saka inilagay sa Facebook. Naging viral ito social media at marami sa mga netizens ang nagpahayag ng galit sa mga taong nag-abandona sa bata.

Nasa mabuting kalagayan na ang sanggol, ayon sa mga doktor na tumingin sa kanya. Sinabi ni Senior Inspector Daniel Banan, Aringay police chief, na siguradong hindi taga Barangay Samara o kaya’y mga kalapit na barangay ang sanggol.

“We conducted investigations in barangays in the vicinity and found out that no one is pregnant or has given birth for now and we theorized that the boy was from other places,” pahayag ni Banan. (Erwin G. Beleo)

comments