Home » News » Lalaki utas sa rambol

Lalaki utas sa rambol

Patay ang isang lalaki sa kamay ng pitong lalaki sa rambol na naganap sa isang condominium sa Pasay City noong Linggo. Kinilala ni SPO2 Ricardo Mallong, may hawak ng kaso, ang biktima na si Gregary Millado ng Central Park 1 Condominium, D. Jorge St., Barangay 132.

Ayon kay Mallong, pababa ang biktima at kanyang kaibigang si Ernesto Curbi nang makasalubong nila ang dalawang suspect na sina Joseph at Mario Cunanan na galing sa isang birthday.

Nagkaroon ng alitan si Joseph at Millado at binato ng bote ng beer na dala ng mga suspect sina Millado at Curbi. Inawat ng security guard ng condo ang dalawang grupo pero pagkaraan ng ilang minuto, nagkasalubong ulit sina Millado at Curbi at mga suspect na may kasamang limang lalaki.

Nagkaroon ng rambol at tumakas sina Millado at Curbi pero naabutan ni Joseph si Millado at sinaksak ng basag na salamin ng ilang beses sa katawan na ikinamatay nito. Tumakas ang mga suspect samantalang iniulat ni Curbi and insidente sa mga pulis.

Nakita ng mga pulis na tumalon sa ilog sina Joseph at Cunanan pero hindi na nila naabutan ang mga suspect. Dinala ang bangkay ni Millado sa Veronica Funeral Homes sa Pasay upang suriin. (Martin A. Sadongdong)

comments