Home » News » 2 van nagbanggaan, 1 patay, 9 sugatan

2 van nagbanggaan, 1 patay, 9 sugatan

CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Isa ang patay habang siyam naman ang sugatan, kabilang ang isang 5-buwang gulang na sanggol, nang magbanggaan ang dalawang van sa kahabaan ng Roman national highway sa Orion, Bataan, madaling araw ng Lunes.

Ayon sa report ni Chief Inspector Eduardo Guevara, Jr., Orion Municipal Police Station (MPS) chief, bumangga ang Innova van na minamaneho ni Chun Shen Tai, 26, isang Taiwanese, patungong Mariveles, Bataan, nang sumalpok ito sa kasalubong na L-300 van na minamaneho naman ni Idelfonso Reyes, 55, patungong Nueva Ecija bandang 12:20 a.m. noong Lunes.

Sinabi ng Taiwanese driver na bumanga siya sa L-300 nang iwasan niyang masagasaan ang isang bagay sa daan. Dead on arrival sa Bataan General Hospital si James Castillo, 24, helper mechanic, isa sa mga pasahero ng L-300 van.

Ginamot din sa naturang ospital ang mga sugatan na kinabibilangan ng isang mag-asawa at ang kanilang sanggol na babae, dalawang driver, at apat na pasahero ng dalawang van.

Dinala ang Taiwanese driver at ang kanyang sasakyan sa Orion Municipal Police Station. (Franco G. Regala)

comments