Home » News » News Roundup » Pusher nang-agaw ng baril, patay

Pusher nang-agaw ng baril, patay

Nabaril at napatay ng isang pulis ang isang drug pusher nang tangkain ng huli na agawin ang baril ng isa pang alagad ng batas sa Caloocan City noong Lunes ng gabi.

Nakilala lamang sa pangalang “Mike” ang napatay sa suspek. Inaresto naman ang kanyang dalawang kasama na sina Marilyn Pamintuan at Charita Agpasa.

Napag-alaman na kasalukuyang nagsasagawa ng “Oplan Galugad” ang Calooocan police sa Barangay 188 dakong 8 p.m. nang mamataan nila si Mike.

Mabilis na tumakbo si Mike nang makita niya ang mga paparating na mga alagad ng batas. Habang tumatakbo, inihagis ni Mike sa mga humahabol na pulis ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Na-corner ng mga police operatives si Mike sa loob ng bahay kung saan nahuli nila sina Pamintuan at Agpasa sa aktong sumisinghot ng shabu.

Habang nakasakay ang mga suspek sa police patrol car patungong police station bandang 10 p.m., tinangka ni Mike na agawin ang baril ng isang police operative.

Dahil dito, napilitang barilin ng isa pang pulis si Mike. Na-recover sa mga suspek ang dalawang sachet ng shabu at drug paraphernalia.

Kasalukuyang nakapiit sina Pamintuan at Agpasa sa Caloocan Police detention cell. (Jel Santos)

comments