Home » News » News Roundup » Babae binaril sa jeep

Babae binaril sa jeep

Patay ang isang 27-gulang na babae nang barilin ng isang hindi kilalang lalaki habang nakasakay sa pampasaherong jeep sa Makati City kahapon.

Kasalukuyang pang inaalam ng police ang motibo sa pagpaslang kay Lauren Kristel Rosales, residente ng Sta. Ana, Manila.

Naka-business attire ang biktima nang barilin ng tatlong beses ng salarin, ayon sa police.

Base sa initial investigation, nakasakay ang biktima at ang gunman sa jeep (NVC 706) papuntang Delpan-Guadalupe bandang 9 a.m. nang ipahinto ng suspek ang sasakyan sa kanto ng Reposo at JP Rizal Streets para bumaba.

Ngunit bago tuluyang bumaba ng jeep, biglang pinagbabaril ng suspek si Rosales, dahilan para kumaripas ng takbo ang ibang pasahero.

Namatay noon din si Rosales habang isa pang babaeng pasahero na tinamaan ng bala sa hita ang isinugod sa Ospital ng Makati (OsMak).

Ayon sa mga testigo, naglakad lamang palayo ang gunman at sumakay sa isang tricycle matapos ang pamamaril.

Kasalukuyang pinag-aaralan ng mga pulis ang closed circuit television cameras na naka-install sa lugar ng pinangyarihan para makilala ang salarin.

Sinabi ng mga imbestigador na malinaw na hindi pagnanakaw ang motibo ng pagpatay dahil walang kinuhang gamit ang gunman mula sa biktima. (Anna Liza Villas-Alavaren)

comments