Home » News » News Roundup » Trabahador patay sa drug bust

Trabahador patay sa drug bust

Patay ang isang construction worker nang makipagbarilan umano sa mga pulis sa isang drug bust operation sa Sta. Mesa, Manila, kahapon ng umaga.

Kinilala ni SPO2 Charles Duran, may hawak ng kaso, ang napatay na si Joseph Paular, 24, nakatira sa Zamora Interlink, Sta. Mesa, at miyembro ng Bahala na Gang.

Base sa inisyal na imbestigation, nagbenta ang biktima ng R800 halaga ng shabu sa isang miyembro ng Police Station 8 sa isinagawang buy-bust operation sa riles ng tren, malapit sa kaniyang bahay.

Sa gitna ng transaksyon, bumunot ng baril si Paular at pinaputukan ang undercover agent nang mapansin niya ang papalapit na back-up operatives. Swerteng hindi nasaktan ang pulis dahil tumama ang bala sa kanyang bullet-proof vest.

Hinabol ng mga pulis si Paular nang tumakbo siya papunta sa mga barong-barong kung saan tinangka pa niyang kunin ang isang bata para gawing hostage.

Napigilan ng mga humahabol na pulis ang kanyang balak. Tuluyan siyang napatay nang patuloy siyang makipagpalitan ng putok sa mga alagad ng batas.

Na-recover sa biktima ang isang granada, isang .38-caliber revolver, at limang pakete ng shabu.

Ayon sa pamilya ni Paular, ang biktima ay isang drug user at hindi drug pusher.

“Nagbagong buhay na yun! May trabaho na! Nakakaipon na yun! Kasi ang inaalala n’ya, anak nya…” sabi ni Rosemarie Monterey, ina ni Paular. (Analou De Vera)

comments