Home » News » News Roundup » 2 holdup suspects patay sa shootout

2 holdup suspects patay sa shootout

Patay ang dalawang hinihinalang holdaper nang makipagbarilan sa mga pulis na nagpapatrolya sa itaas ng Altura Bridge sa Sampaloc, Manila, madaling araw ng Huwebes.

Base sa police report, kasalukuyang nagpapatrolya sina PO1s Elmer Trani, Judel Gonzales at Aldrich Aglaua sakay ng Mobile car 418 sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Boulevard bandang 2 a.m. nang mamataan nila ang dalawang lalaking nagmamadaling tumalon sa center island.

Mabilis na hinabol ng mga pulis ang dalawang lalaki at tinanong sila kung anong ginagawa nila sa lugar na iyon. Sa puntong ito, agad na bumunot ng baril ang lalaking nakasuot ng orange t-shirt at pinaputukan ang mga pulis.

Napilitang gumanti ng putok si PO1 Aglaua at tinamaan ang isa sa mga suspek. Nang matumba ang lalaki sa daan, dinampot ng kanyang kasama ang kanyang baril at pinaputukan ang mga alagad ng batas.

Gumanti ng putok sina PO1 Trani at Gonzales at napatay din nila ang pangalawang lalaki. Na-recover ng mga awtoridad sa dalawang bangkay ang isang .38 revolver, isang balisong, at tatlong pakete ng shabu.

Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang pangalan ng mga napatay. (Analou De Vera)

comments