Home » Sports » Sports institute kasado na

Sports institute kasado na

Grassroots plan ng PSC, suportado ni Digong.

Kabuuang 14 na regional training center sa bansa ang inaasahang bubuo sa binabalak na ibalik na Philippine Sports Institute (PSI).

Ito ang napag-alaman kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Butch Ramirez matapos namang suportahan mismo ni Pangulong Duterte ang plano na magbubukas para sa mas detalyadong pagsasanay at pagdidiskubre sa mga baguhang batang atleta na posibleng maging pambansang atleta sa darating na panahon.

Ikinatuwa mismo ni Duterte sa ginanap na press conference matapos ipatawag si Olympic silver medalist Hidilyn Diaz sa Presidential Guest House sa Panacan noong Huwebes ang plano ni Ramirez.

“Butch has a very good plan in grassroots development. We can get talents from other places. Historically, it’s always been Manila that has become the epicenter (of development) and talents in far-flung areas in the country hardly get noticed,” sabi ni Duterte.

Ipinaalam din ni Ramirez na nasa bansa na ang dating Pilipinong head ng Hong Kong Institute of Sports na si Mark Velasco upang siyang mamahala at magpatupad ng mga programa ng PSI.

Maliban sa malawakang grassroots program ay nakatuon ang PSI sa pagpapalakas sa mga priority sports tulad ng archery sa Dumaguete City, weightlifting sa Zamboanga City at diving sa Panacan, Davao City.

Inaasahang mamumuno sa diving sina Olympian Dabawenyo divers Sheila Mae Perez, Zardo Domenios at Rexel Ryan Fabriga na nagsimula ng kanilang diving career sa Philippine Naval Base sa Camp Panacan.

Asam naman ni Diaz na bilhin ang katabing lote sa kanilang bahay sa Mampang kung saan nais nitong magtayo ng isang weightlifting gym para sa pagdidiskubre ng mga batang weightlifters sa Zamboanga.

Sinabi naman ni Ramirez na target nitong muling ilunsad ang PSI bago mag-Disyembre habang kanilang hinihintay ang isang executive order mula sa presidente.

Naghahanda din ang bansa para sa paglahok sa kada dalawang taong Southeast Asian (SEA) Games na gaganapin sa Malaysia sa 2017, sa Asian Games sa Indonesia sa 2018, sa muli nitong paghohost sa ikaapat na pagkakataon sa SEA Games sa bansa sa 2019 at sa Tokyo 2020 Olympics. (Angie Oredo)

comments