Home » News » News Roundup » Drug suspect tumba sa shootout

Drug suspect tumba sa shootout

Patay ang isang lalaking may dala-dalang shabu at marijuana matapos makipagbarilan sa mga pulis sa Tondo, Maynila, bandang 2 a.m. kahapon.

Kinilala ni PO2 Ryan Jay Balagtas, may hawak ng kaso, ang napatay na si Rodolfo Gigante, 34, residente ng Margarita Street, Happyland, Barangay 105, Tondo.

Base sa paunang imbestigasyon, nagpapatrolya ang miyembro ng Smokey Mountain Police Community Precinct (PCP) nang makita nila si Gigante na naglalakad ng nakapaa lamang sa isang madilim na bahagi ng Helping Complex, Barangay 105.

Nagpasyang lapitan ng mga pulis si Gigante, ngunit bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at ikinaway ito sa mga alagad ng batas.

Inutusan ng mga pulis si Gigante na ibaba niya ang kanyang baril, ngunit sa halip na sumunod ay pinaputukan niya ang mga operatiba.

Gumanti ng putok si Senior Inspector Monico B. Aliado at tinamaan Gigante sa iba’t ibang parte ng katawan. Namatay noon din ang suspek.

Na-recover ng mga awtoridad kay Gigante ang isang .38-revolver na kargado ng bala at siyam na pakete ng shabu at tatlong pakete ng marijuana. (Analou de Vera)

comments