Home » News » News Roundup » Lolo natagpuang patay sa loob ng jeepney

Lolo natagpuang patay sa loob ng jeepney

Natagpuang patay ang isang jeepney driver sa loob ng kanyang sasakyan na nagsilbing bahay niya sa loob ng tatlong taon sa Manila noong Biyernes.

Kinilala ang biktima na si Gregorio Cabahug, 69. Natagpuan ang kanyang bangkay sa kanyang jeepney na nakaparada sa harap ng isang canteen sa Benitez St., Paco.

Ayon kay Glen Bulatao, 29, kusinero ng canteen, ginigising niya ang biktima upang humiram ng papel de liha para sa kanyang motorsiklo pero hindi ito bumangon.

Lumapit si Bulatao sa biktima pero napansing hindi na ito humihinga. Kaagad na ipinagbigay alam ni Bulatao ang insidente sa mga otoridad.

Huling nakitang buhay ang biktima ni Francisco Bautista, may ari ng jeepney, at nagrereklamo na nahihirapan siyang huminga.

Sinabi ni Bautista na tatlong taon nang pinapasada at nakatira si Cabahug sa kanyang jeepney dahil malayo ang kanyang tahanan sa Parañaque City.

Dinala ang bangkay ng biktima sa St. Rich Funeral Homes sa Quezon City. Hinala ng mga pulis na atake sa puso ang ikinamatay ng biktima. (Analou de Vera)

comments