Home » News » News Roundup » Drug pusher dedo sa shootout

Drug pusher dedo sa shootout

Patay ang isang aminadong drug pusher nang makipagbarilan sa mga pulis na nagsagawa ng buy-bust operation sa Quezon City noong Martes ng gabi.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) ang napatay na si Salvador Lucasia Jr. alias “Bong”, 40, nakatira sa Brgy. Bagong Silangan.

Base sa police report, nakipagpalitan ng putok si Lucasia sa anti-illegal drugs operatives ng Batasan Police Station (PS-6) matapos siyang masakote sa isang patibong bandang 11:30 p.m. sa Purok 2, Country Homes, ng naturang barangay.

Ayon sa police, kilalang drug pusher si Lucasia sa kaniyang barangay at kasama sa drug watchlist ng PS-6. Sumuko umano siya sa mga awtoridad noong Hulyo 14 at umaming nagtutulak siya ng bawal na gamot, subalit kalaunan ay bumalik din siya sa kanyang masamang gawain.

Nagtamo si Lucasia ng isang tama ng bala sa dibdib at dineklarang dead on arrival sa East Avenue Medical Center.

Nakuha kay Lucasia ang isang .45-caliber pistol na ginamit niya sa pakikipaglaban sa mga pulis.
(Vanne Elaine P. Terrazola)

comments