Home » News » News Roundup » Driver inaresto dahil sa bomb joke

Driver inaresto dahil sa bomb joke

Inaresto ng mga tauhan ng PNP Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang isang air service cargo driver dahil sa pagbibiro na may sasabog na bomba habang iniinspekyon ng security guard ang kanyang sasakyan malapit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 4 nitong Martes.

Kinilala ni PNP-AVSEGROUP chief Director Chief Supt. Mao Aplasca ang dinakip na si Marlon Soriano, 34, empleyado ng Air Service Cargo Express.

Ayon kay Aplasca, ginawa ni Soriano ang bomb joke bandang 2:45 a.m. sa Cebu Pacific Cargo House, NAIA terminal 4, Pasay City, habang ang buong bansa ay nakaalerto dahil sa pambobomba sa Davao City night market na ikinamatay ng 14 na katao.

Ayon sa report, iniinspeksyon ng security guard na si Ruther Ababa ng Quickstar Security and Investigation Agency ang chassis ng van ni Soriano nang biglang sabihin ng huli na “may bomba diyan”.

Kaagad na inaresto si Soriano at sinampahan ng kasong paglabag sa Presidentila Decree No. 1727 (Anti-Bomb Joke Law) sa Pasay City Prosecutor’s Office bandang 1:30 p.m., Martes. (Ariel Fernandez)

comments