Home » News » News Roundup » Bangkay ng trike driver itinapon sa EDSA

Bangkay ng trike driver itinapon sa EDSA

Isang tricycle driver na nakabalot ang ulo ng packaging tape at nakasilid sa isang garbage bag ang natagpuan sa southbound lane ng EDSA sa Pasay City kahapon ng umaga.

Ayon kay Senior Police Officer 1 Melvin Garcia, may hawak ng kaso, tadtad ng tama ng bala sa ulo ang biktimang si Remaledo Gabriel alias Roger Gabriel, 37, nang makitang nakahandusay sa EDSA, Barangay 76, Zone 10, sa tabi ng Divino Bar at Restaurant bandang 5:29 a.m..

“Pagkatapos ko marinig ‘yung apat na putok ng baril, nakita ko ‘yung isang lalaki na nakahandusay sa gilid ng kalsada,” pahayag ni Edmond Lucas, ang security guard na nakakita sa bangkay ng biktima.

Sinabi ni Lucas sa mga tauhan ng Libertad Police Community Precinct na wala siyang nakitang tao o sasakyan sa lugar kung saan niya natagpuan ang biktima.

Ayon naman kay SPO1 Garcia, nalaman nila mula sa isang alyas “Carlo” na si Gabriel ay isa sa mga miyembro ng four-man robbery group na nangholdap sa dalawang babaeng pasahero ng isang bus noong nakaraang Agosto 30.

Nakuha ng crime scene investigators sa tabi ng biktima ang mga basyo ng bala, isang pakete ng shabu, ice pick at ID cards. Inaalam pa ng pulisya kung kasama si Gabriel sa drug watch list ng Pasay City. (Martin A. Sadongdong)

comments