Home » News » News Roundup » 2 magkapatid patay sa drug bust

2 magkapatid patay sa drug bust

Dalawang magkapatid na nasa drug watchlist ng police ang napatay nang manlaban sa mga alagad ng batas na nagsagawa ng buy-bust operation sa Pasay City kahapon ng umaga.

Ayon kay Supt. Jenny Tecson, tagapagsalita ng Southern Police District, ang magkapatid na Michael Lim, 23, at Djerome, 21, residente ng 2279 FB Harrison St., Pasay City, ay naisugod pa sa Pasay City General Hospital ngunit ideneklara silang dead on arrival dahil sa tig-dadalawang tama ng bala sa katawan.

Sinabi ni Tecson na nakipagbarilan ang magkapatid sa mga miyembro ng District Anti-Illegal Drugs, Special Operation Task Group (DAID-SOTG) bandang 2:40 a.m.

Base sa police report na ipinadala kay SPD director Senior Supt. Tomas Apolinario, isang miyembro ng DAID-SOTG ang umaktong buyer ng shabu sa inilatag na patibong laban sa magkapatid na Lim.

Ngunit sa kasagsagan ng operasyon, natunugan ng dalawa na isang pulis ang kanilang ka-transaksiyon, kaya’t agad silang bumunot ng .38-caliber revolver at homemade 9mm caliber pistol at tinangkang paputukan ang alagad ng batas.

Mabilis namang kumilos ang mga nakaantabay na mga pulis at nabaril ang magkapatid. (Jean Fernando)

comments