Home » News » News Roundup » New Roundup » Metro News » Tricycle driver tinodas

Tricycle driver tinodas

Patay ang isang tricycle driver pagkatapos pagbabarilin ng suspect na nakasakay ng itim na motorsiklo sa Makati City kahapon. Kinilala ni SPO2 Jason David ng Makati police ang biktima na si Jasani A. Hutalla, residente ng Ricarte St., Barangay South Cembo, Makati.

Ayon sa mga saksi, nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang tricycle sa kanto ng Luzon and Aklan Sts. sa Barangay Pitogo ng dumating ang suspect na nakasuot ng helmet, face mask, at itim na jacket. Bumunot ng baril ang suspect at pinaputukan ang biktima sa ulo na kaagad nitong ikinamatay. Agad na tumakas ang suspect sakay ng kanyang itim na motorsiklo. Inaalam pa ng mga pulis kung ang insidente ay may kinalaman sa droga.

Samantala, apat na hinihinalang drug pushers at users ang pinagbabaril hanggang mamatay ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki habang sila ay nasa pot session noong Huwebes sa Pasay City. Kinilala ng Pasay police ang mga biktima na sina Gilbert Cruz, 27; Benito Español, alias “Benny,” 54; at Alfredo Matcha, alias “Fredo,” 48, mga residente ng Merville, Pasay; at Leonardo Ciria, alias “Bea,” 34, taga-Bacoor City, Cavite. Nagtamo ng mga tama ng bala sa katawan ang mga biktima na agad nilang ikinamatay. (Martin A. Sadongdong)

comments