Home » News » News Roundup » School bus driver laglag sa drug raid

School bus driver laglag sa drug raid

Isang school bus driver ang naaresto noong Martes ng gabi nang salakayin ng mga pulis ang kaniyang bahay sa Quezon City kung saan siya umano nagbebenta ng shabu.

Nakakulong na ngayon si Allan Gatonan, 49, matapos siyang masakote ng mga operatiba ng Cubao Police Station (PS-7) sa kanyang tahanan sa Harvard Street, Barangay E. Rodriguez, Cubao, dakong 9:15 p.m.

Ayon sa police, sinalakay nila ang bahay ni Gatonan sa bisa search warrant na inilabas noong Sept. 28 ng Quezon City Regional Trial Court Branch 97 matapos makatanggap ng report nagbebenta siya ng shabu sa loob mismo ng kaniyang bahay.

Pinapagamit pa umano ng suspek ang kaniyang kuwarto para sa “shabu sessions” ng kaniyang mga kliyente. Na-recover ng mga pulis sa kaniyang tahanan ang mga pakete ng shabu, digital weighing scale, at iba’t ibang drug paraphernalia.

Nakatakdang iharap ng police si Ganotan sa City Prosecutor’s Office para sumailalim siya sa inquest proceedings. (Vanne Elaine Terrazola)

comments