Home » News » Headlines » Drug pusher todas sa Taguig buy-bust

Drug pusher todas sa Taguig buy-bust

Isang hinihinalang drug pusher ang namatay pagkatapos makipagbarilan sa mga pulis samantalang nahuli naman ang kanyang kasama sa isang buy bust operation sa Taguig City kahapon.

Kinilala ng Taguig police ang namatay na suspect na si Anwar Hasan, alias “Patrick,” residente ng Sitio Imelda, Barangay Maharlika Village, Upper Bicutan, Taguig.

Ayon kay Chief Insp. Romeo Lanzarote, hepe ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group-Southern Metro Manila, nakatanggap sila ng impormasyon tungkol sa talamak umano na pagbebenta ng shabu ng suspect at kanyang kasamang si Junior Cabalu.

Kaagad nilang ikinasa ang isang buy-bust operation upang mahuli si Hasan. Nakausap ng isang poseur-buyer ang suspect at pumayag na magbenta ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000.

Dumating ang suspect kasama si Cabalu sa lugar ng bentahan. Nahalata ni Hasan na pulis ang kanyang kausap habang nagbebenta ng shabu at bumunot ng baril.

Pinaputukan ang mga pulis na gumanti ng putok. Nagtamo ng tatlong tama ng bala sa dibdib si Hasan at dinala sa Taguig-Pateros District Hospital kung saan siya namatay.

Sumuko naman si Cabalu sa mga pulis pagkatapos ng shootout. (Martin A. Sadongdong)

comments