Home » Sports » Layon na malagpasan si Hidilyn

Layon na malagpasan si Hidilyn

Tagum City, Davao Del Norte – Nakatuon sa munting pangarap na iahon sa kahirapan ang mga kapatid at magulang, sinimulan ni Lovely Vidal Inan ng Angono, Rizal na abutin ang adhikain sa unang hakbang na pagsungkit sa gintong medalya sa 12-under girls weightlifting ng 2016 Batang Pinoy National Championships.

Madalas na binubuhat ang mga kalakal na bote, bakal at diyaryo, sinimulan ng 12-anyos at Grade 5 student sa Guido Elementary School na abutin ang pangarap niyang makapag-aral at malampasan ang nakamit ni Rio silver medalist Hidilyn Diaz upang makatulong sa nangangalakal din na mga magulang.

“Gusto ko po matulungan ang mga kapatid ko na makapag-aral at pati na rin mga magulang ko para hindi na po kami mangunguha ng basura,” sabi ng nakatira sa Brgy. San Isidro pagkaraang maitala ang perfect snatch na 42kg at clean and jerk sa 55kg para sa total lift na 95kg para sa gintong medalya sa una nitong pagsali. (Angie Oredo)

comments