Home » News » News Roundup » Rookie cop patay sa pamamaril

Rookie cop patay sa pamamaril

Patay ang isang rookie policeman nang pagbabarilin ng dalawang nakamotorsiklong lalaki sa harap ng kaniyang live-in partner at mga kaibigan sa Camarin, Caloocan, noong Lunes ng gabi.

Kinilala ng police ang biktima na si PO1 Andre Helis Punzal II, 33, nakatalga sa Valenzuela Police Station at nakatira sa Barangay 177, Camarin, Caloocan.

Base sa imbestigasyon, nakikipag-inuman si Punzal sa kaniyang mga kaibigan bandang 9:10 p.m. sa tapat ng kaniyang bahay sa Barangay 177, Camarin, Caloocan, nang dumating ang dalawang armadong lalaki sakay ng motorsiklo at pinaputukan siya ng ilang beses.

Mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng motorsiklong walang plaka, ayon sa live-in partner ng biktima.

Na-recover sa crime scene ang limang basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol.

Si Punzal ang pangalawang pulis na pinatay ng motorcycle-riding gunmen sa Caloocan City. Ang unang biktima ay napatay bago magpasko.

Nagsasagawa pa ng follow-up investigation ang pulisya para madakip ang mga salarin. (Jel Santos)

comments