Home » News » News Roundup » Lolo namaril; 1 patay, 4 sugatan

Lolo namaril; 1 patay, 4 sugatan

Isang 36-taong food vendor ang napatay habang apat na iba pa ang sugatan nang pagbabarilin ng kinupkop nilang 70-taong gulang na lolo na noo’y dumadanas ng matinding depresyon dahil sa pagkamatay ng asawa sa Marikina City noong Miyerkules.

Kinilala ni Supt. Lorenzo J, Holanday Jr., hepe ng police, ang napatay na biktima na si Jay R. Santos, 36. Binawian siya ng buhay habang isinusugod sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center.

Ang mga sugatan ay sina Loida Salvador, 41; Roland Salvador, 45, kapatid ni Santos; Crenz Harold Salvador, 20, student; at Dean Yuan Salvador, 14, student, mga residente ng 25 Bel Air St. Jayvee Subd., Barangay Parang, Marikina City.

Sumuko at nakakulong na ngayon sa police station ang suspek na si Jaime Palabay, businessman. Isinurender din niya ang baril na kaniyang ginamit.

Base sa inisyal na investigation ni SPOI Charles A. Pacquing, officer on case, abalang abala ang mga biktima sa mga gawaing bahay sa loob na kanilang tahanan bandang 10:30 a.m. nang bigla na lang silang pagbabarilin ng suspek.

Ayon sa mga biktima, dumanas ng matinding depresyon ang suspek magmula nang mamatay ang kanyang asawa.

Sinabi pa nila na kaibigan nila ang matanda kung kayat inimbitahan nila na tumira siya sa kanilang bahay sa paniniwalang malalabanan niya ang kaniyang depresyon. (Madelynne Dominguez)

comments