Nagkasundo ang Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang lahat ng paghuhukay sa kalye sa araw para mabawasan ang bigat ng trapiko sa metropolis kung saan may 2.5 milyong sasakyan ang dumadaan araw-araw.
Nabuo ang naturang hakbang sa isang meeting na dinaluhan nina DOTr Secretary Arthur Tugade, DPWH Secretary Mark Villar at MMDA officer-in-charge Tim Orbos para maresolba ang traffic bottlenecks na dulot ng ginagawang paghuhukay sa mga pangunahing daanan.
Base sa napagkasunduang guidelines, ang repair at rehabilitation ng mga kalye ay dapat gawin ng mga contractors pagsapit ng 10 p.m., kung saan magaan ang traffic, para magamit ng mga motorista ang mga apektadong daanan pagsapit ng 5 a.m. ng kasunod na araw. (Anna Liza Villas-Alavaren)