Home » News » News Roundup » Lalaki namaril, nag-suicide

Lalaki namaril, nag-suicide

Isang lalaki ang pumatay at nagpakamatay dahil lamang sa away tungkol sa dumi ng pusa sa Tondo, Manila, noong Huwebes ng hapon.

Base sa police report, dead on the spot si Hilario Cuenca, 57, matapos magbaril sa dibdib gamit ang isang .38-caliber revolver.

Samantala, ang binaril niyang kapitbahay na si Edmon Flores, 56, ay binawian ng buhay habang ginagamot sa Mary Johnston Hospital.

Base sa initial investigation, nagtalo sina Cuenca at Flores dahil sa pagdumi ng pusa ng una sa hallway ng kanilang apartment sa Padre Rada Street noong Huwebes ng umaga.

Natigil ang kanilang pagtatalo nang awatin sila ng anak na lalaki ni Flores, ayon sa police.

Pagsapit ng 4 p.m., binaril ni Cuenca si Flores nang makita niya itong naglalakad sa hallway.

Bagamat may tama ng bala sa katawan, nagawa pa ni Flores na tumakbo sa loob ng kaniyang kuwarto at humingi ng tulong sa mga kamag-anak na kaagad na nagsugod sa kaniya sa ospital.

Makalipas ang ilang minuto, pumasok si Cuenca sa loob ng kaniyang silid at binaril ang sarili. Nadiskubre ang kaniyang bangkay ng kapitbahay na si Sharon Pongan na siyang nakarinig ng putok baril. (Analou de Vera)

comments