Home » News » News Roundup » Lalaki sugatan sa ambush

Lalaki sugatan sa ambush

Malubhang nasugatan ang isang 37-taong gulang na lalaki nang tambangan ng apat na armadong kalalakihan habang nagmamaneho ng kotse sa tapat ng isang convenience store sa Marikina City kahapon.

Kinilala ni Chief Inspector Eduardo Cayetano, hepe ng Station Investigation Division, ang biktima na si John Astrophel Ortiz, driver, nakatira sa 55 Magsaysay St., PDP Village, Parang, Marikina City.

Naganap ang insidente dakong 1:30 a.m. sa tapat ng 7-11 convenience store sa Concepcion Uno, Marikina City.

Ayon sa police, minamaneho ni Ortiz ang isang Toyota Vios (ASA 6582) kasama ang isang babae at papaalis na sana matapos bumili ng pagkain nang biglang pumarada ang isang white Honda car na may sakay na apat na kalalakihan sa tapat ng Zynnette Bakery.

Pinaputukan ng mga suspek si Ortiz.

Tumakas ang mga suspek nang makitang napansin sila ng mga residente sa lugar.

Isinugod si Ortiz sa Amang Rodriguez Memorial Center sa Marikina kung saan siya kasalukuyang ginagamot dahil sa dalawang tama ng bala sa tiyan.

Na-recover ng awtoridad sa crime scene ang 19 na basyo ng bala. Kasalukuyang pang iniimbestigahan ng police ang insidente. (Madelynne Dominguez)

comments