Home » Headlines » Laborer patay sa pamamaril

Laborer patay sa pamamaril

By: Vanne Elaine P. Terrazola

Patay ang isang construction worker habang sugatan ang kaniyang kasama nang pagbabarilin ng dalawang nakamotorsiklong lalaki sa Quezon City pagkalipas ng hatinggabi kahapon.

Kinilala ng police ang napatay na biktima na si Nannie Borbe, 38, residente ng Republic Street, Barangay Holy Spirit.

Malubhang nasugatan naman si Jefferson Soriano, 31, nakatira sa Sto. Rosario Street ng naturang barangay.

Ayon sa police report, nagising ang mga residente ng Sto. Rosario Street dahil sa sunod-sunod na putok ng baril dakong 12:02 a.m.

Sinabi ni Melchor Trinidad sa mga imbestigador na nakita niya ang isang armadong lalaki na patakas sakay ng isang motorsiklo na minamaneho ng isa pang lalaki.

Nakarinig si Trinidad ng taong humihingi ng tulong. Kalaunan, natagpuan niya ang dalawang biktima na duguang nakahandusay sa kalye.

Dead on the spot si Borbe dahil sa tama ng bala sa likod ng ulo. Samantala, nagawa namang humingi ng tulong ni Soriano sa kabila ng kaniyang sugat sa kanang hita.

Kasalukuyang nagpapagaling si Soriano sa isang opsital.

Na-recover ng police sa crime scene ang apat na basyo ng bala .45-caliber gun.

Kasalukuyang sinisiyasat pa ng police ang insidente.

comments