Home » News » News Roundup » Kotse ng radio reporter tinangay

Kotse ng radio reporter tinangay

By: Martin A. Sadongdong

Na-carnap ang sasakyan ng isang radio reporter matapos niya itong iparada sa tapat ng isang auto shop sa Pasay City noong Linggo ng gabi.

Kinalala ng police and biktima na si Celestino “Jojo” Sicat, reporter ng DZRJ na nakatalaga sa Senate at Southern Police District beats.

Ayon sa police, isang lalaki at isang babae ang nakitang tumangay sa kotse ng biktima. Base sa initial investigation, ipinarada ni Sicat ang kaniyang white Toyota Corolla (UHJ 783) sa tapat ng isang auto shop sa Rotonda-Taft Avenue, Barangay 97, Zone 40, dakong 7 p.m.

Pagkatapos ay dumiretso si Sicat sa MRT Taft station para sunduin ang kaniyang pamilya, ngunit nang bumalik sila sa pinagparadahan bandang 8 p.m., wala na ang sasakyan.

“Pinarada ko po sa Rotonda malapit sa LRT-Taft. Pagbalik ko sabi ng mga tao kaaalis lang five minutes, dalawa ang may dala – isang tomboy, isang lalaki – muntik pa silang makasagasa,” sabi ni Sicat.

Nakita sa isang closed-circuit television (CCTV) footage na tumakas ang mga suspek patungo sa Libertad at Evangelista Streets.

Inalerto na ng Pasay City Police ang Philippine National Police-Highway Patrol Group para makilala at maaresto ang mga suspek.

comments