Home » Opinion » Ano ang gagawin ko sa perang napulot ko

Ano ang gagawin ko sa perang napulot ko

By: Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!

Hi Alex,
Kapag naglalakad ako sa lugar namin, lagi akong nakakapulot ng pera! Halos araw-araw nakakapulot ako! Minsan bente pesos, minsan isang libo! Ang nakakapagtaka, sa iisang lugar ko lang napupulot ang mgapera! Hindi ko ito ginagastos at tinatago ko sa isang alkansiya! Kaya lang nakukunsensiya na ako dahil kawawa naman ang tao o mga taong nag-mamay-ari ng mga pera na ito. Baka may pagagamitan sila nito. Paano ko kaya masosoli ito sa mga tunay na may-ari? Ang total na halaga nga pala ng mga napulot ko ay P11,570.

Jenny ng Pampanga

Hi Jenny,
Mahirap na malaman kung sino ang totoong may-ari ng mga perang yan. Kung isoli mo man yan sa pulis, hindi na nila malalaman at baka mamaya, angkinin pa ng mga taong nagpapanggap lang! Ang mapapayo ko sa’yo ay bumalik ka kung saan mo napulot ang mga perang yan at itapon mo ulit! Malay mo, balikan yan ng tunay na may-ari! Para sigurado ka, itapon mo ito, mamayang gabi, mga ala-una ng madaling araw para wala pang masyadong taong dadaan Huwag mong kalimutan gawin ito mamayang gabi!

P.S.

Syangapala, pwede bang ipaalam mo sa akin ang exact location ng pagtatapunan mo ng pera. Para lang alam ko. Salamat Jenny!

Hi Alex,
May girlfriend ako, 2 years na ang relasyon namin. Ang problema ko, nagkaroon din kami ng relasyon ng nanay ng girlfriend ko! Pareho ko silang gusto at parehong may nangyayari sa amin! Ang tanong ko, paano kapag nabuntis ko ng sabay ang girlfriend ko at abf nanay niya? Anong itatawag ng anak ko sa girlfriend ko sa anak ko sa nanay niya, kapatid ba o tito?

Tony ng Mandaluyong

Hi Tony,

Hindi ko alam ang magiging tawagan nila, pero ang alam ko, kung ano ang itatawag sa’yo ng girlfriend mo! Demonyo, manloloko, mahilig, siraulo!

Hi Alex,

Kapag kumakain ako ng BBQ, napapansin ko, bakit ang taba, palaging nasa dulo?

Mary ng Montalban

Hi Mary,

Baliktarin mo lang ang stick para yung taba naman ang mauna!

* * *

Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com or facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.

comments