Home » Opinion » Alex-syon of the Day » Nagtatagong ninong, tinataguang inaanak

Nagtatagong ninong, tinataguang inaanak

by Alex Calleja

Ang column na ito ay ginawa para sa mga taong may suliranin sa buhay na gusto ng agarang solusyon! Walang maliit o malaking problema, lahat dito, pantay-pantay! Huwag niyo nga lang seseryosohin kasi hindi lahat ng mababasa niyo dito totoo! Good vibes lang! Simulan na natin!


Hi Alex,

Pupunta na naman ako sa Ninong ko ngayong Pasko at kinukutuban ako na wala na naman siya sa bahay niya. Kahit nararamdaman ko na nandun siya, laging sinasabi ng maid nila na wala siya.
Nasa garahe lahat ng kotse nila, may naririnig akong mga taong nag-uusap sa loob (boses ni Ninong ‘yun alam ko). Limang Pasko na ang nagdaan at lagi ko siyang hindi inaabutan sa bahay. Ano po ba ang gagawin ko?

Sonny ng Fairview

Hi Sonny,

May isang paraan para malaman kung nasa loob ng bahay ang Ninong mo o wala. Kailangan mo siyang mapalabas ng bahay! Paano yun? Madali lang!

Kapag sinabi ng maid na wala siya sa bahay, sumigaw ka ng “SUNOG! SUNOG!” Panigurado, lalabas yang Ninong mo at lahat ng mga kasama niya sa bahay! Kapag ayaw pa rin lumabas, sunugin mo talaga ang bahay nila!


Hi Alex,

Malapit na naman ang Pasko at magpupuntahan na naman ang mga inaanak ko. Ilang Pasko ko na silang pinagtataguan at ang iba sumuko na except sa isang makulit kong inaanak.

Tuwing Pasko, punta pa rin ng punta sa bahay. Sinabihan ko na ang maid namin na kapag dumating, sabihin na umalis ako.

Pero alam ko nakakahalata na dahil kumpleto ang mga kotse ko sa labas at minsan, alam ko narinig niya ang boses ko habang nagsasalita ako.

Ano kaya ang gagawin ko para tumigil na sa kakapunta itong napakakulit kong inaanak?

Dino ng Mandaluyong

Hi Dino,

Ikaw pala yung Ninong ni Sonny! Mag-ingat ka, malapit ng masunog ang bahay niyo!


Hi Alex,

Alam ko po na ang lahat ng regalo, dapat binabalot. Pero may alam po ba kayo na regalo na dapat hindi na binabalot?

Merce ng Alabang

Hi Merce,

Kapag Christmas wrapper ang regalo mo, wag mo na ibalot. Nakakalito yun! Kapag pagkaing nasisira ang ireregalo mo, wag mo na ibalot, kapag binuksan yun, malamang sumuka ang pinagregaluhan mo!

At ang panghuli, kapag box ang ireregalo mo, wag mo na ibalot! Kasi, kapag binuksan niya at walang laman ang box, akala niya, linoloko mo lang siya!


Sa gustong magtanong sa akin, email lang kayo: alexcalleja1007@yahoo.com o facebook/twitter/instagram: alexcalleja1007.

comments