ANG award-winning actress na si Ms. Gina Alajar ang siyang direktor ng pinagbibidahang teleserye ng Kapuso singer-actress at Asia’s Pop Sweetheart na si Julie Anne San Jose, ang “Pinulot Ka Lang sa Lupa.”
Hango ito sa original na 1988 film na dinirek ni Ishmael Bernal at pinagbidahan noon nina Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Eddie Garcia at Maricel Soriano.
Sa TV remake, gagampanan ni Julie ang naging role ni Lorna bilang Santina Marquez. Kasama rin sa cast sina Benjamin Alves bilang Ephraim at LJ Reyes bilang Angeli. Makakasama rin sina Martin del Rosario, Victor Neri, Ara Mina at Jean Garcia.
Hindi nga raw ito ang first time na mahawakan ni direk Gina si Julie sa isang teleserye.
“When I was directing ‘Reel Love Presents Tween Hearts,” twice na nag-guest doon si Julie and she was okey. Medyo marunong na siyang umarte that time.
“Then I directed two episodes for ‘Buena Familia’ at siya rin ang isa sa mga bida roon. Okey na siya roon. Madali na siyang humugot sa mga eksena.
“Dito sa ‘Pinulot Ka Lang sa Lupa,’ mas mabibigat ang mga eksena niya and she really delivers.
“May mga nakunan na kaming heavy scenes and I am quite surprised kasi malaki ang improvement ni Julie,” pahayag pa ni direk Gina.
Napansin pa ni direk Gina na mas confident ito ngayon. Hindi tulad noon na mapapansin mo ang pagiging mahiyain nito.
“Julie is more confident now with herself, I mean physically and the way she performs, malaki ang improvement.
Obviously, Julie is inspired.
“Nakikita ko kay Julie na she’s happy.”
Maganda raw ang chemistry nina Julie and Benjamin at mapapatunayan daw nila ’yan sa kanilang teleserye.
“Bagay silang dalawa. Ako mismo na-surprise ako sa chemistry nilang dalawa.
“Iba kasi talaga kapag nagkakasundo kayo, ’di ba? Makikita mo agad ’yung spark sa kanila.
“I see an exciting loveteam sa kanilang dalawa,” pagtatapos ni direk Gina Alajar. (RUEL J. MENDOZA)